BICOL – INANUNSYO ngayon ng Department of Agrarian Reform (DAR) regional office sa Bicol na naghahanap sila ng mga karagdagang tauhan na pupuno sa mga bakanteng posisyon sa ahensya.
Ayon kay Geri Buensalida, tagapagsalita ng DAR-Bicol, aarangkada ang pagtanggap ng aplikasyon para sa 117 entry-level at 9 promotional positions simula ngayong July 10.
Bahagi rito ang Agrarian Reform Program Technologists para sa entry-level positions, Attorney IV, Administrative Officer III, Engineer II, Senior Agrarian Reform Program Officer, Senior Agrarian Reform Program Technologist , Agrarian Reform Program Officer I at Agrarian Reform Program Officer II para naman sa promotional positions.
Aniya, kasalukuyan nang nagsimula ang pagsasailalim sa interview sa mga provincial offices ng nasa 325 qualified applicants na pumasa sa DAR qualifying exam para sa entry-level positions.
Habang ang mga aplikante sa promotional positions ay kailangan munang kumuha at maipasa sa promotional exam na magsisimula rin ngayong buwan.
Sa kabila nito, sinabi nito na nangangailangan pa rin ang DAR ng additional manpower lalo na ng mga technical personnel para tumutok sa land acquisition pati na sa documentation ng mga agricultural lands sa ilalim ng Land Tenure Improvement Divisions at Municipal Agrarian Reform Offices sa mga probinsya sa rehiyon.
Samantala, inihayag din ni Buensalida na naisakatuparan ang recruitment activity matapos itong aprubahan ng Department of Budget and Management at ng Civil Service Commission o CSC.