LEGAZPI CITY – Inalis ng Legazpi City Grand Terminal Office ang pangamba ng ilang mga commuter sa lalawigan kaugnay ng tigil-pasada o national transport strike na nagsimula ngayong araw hanggang Miyerkules, Nobyembre 22.
Kahit kasi mayroong inilabas na class suspension ang PDRRMC, marami pa rin ang mga nangangamba na baka wala silang masakyan para sa mga mahahalaga nilang lakad.
Subalit sinabi ni Terminal Manager Jeancresia Alba-Borlasa sa Brigada News FM Legazpi, mayroon silang masasakyan pagkat sapat ang dami ng mga pampublikong sasakyan sa nasabing terminal.
Marami kasing mga sasakyan na East Route ang hindi sumabay sa tigil-pasada kaya’t tiyak na meron at meron silang masasakyan.
Una na ring naglabas ng pahayag ang TALETRANSCO at ang Bicol Intercity Transport Cooperative (BITCOOP) na hindi sila lalahok sa nationwide transport strike at magpapatuloy pa rin sa pagbibigay serbisyo sa mga pasahero.
Samantala, sa ngayon ay maayos ang daloy sa nasabing terminal, at ilang drivers na rin ang nagreklamo dahil matumal ang pasahero gawa ng inilabas na suspension advisory sa Albay dahil sa epekto ng shear line at strike.