CAMARINES NORTE- Dalawang magkahiwalay na aksidente ang naitala sa bayan ng Capalonga habang nagsasagawa ng Visita Iglesia nitong semana santa
dakong 12:15 ng umaga nitong Abril 15, 2022 isang vehicular self-accident ang naganap sa Purok 1, Barangay Old Camp, Capalonga, Camarines Norte na kung saan ay nahulog sa gilid ng kalsada ang isang pulang sasakyan.
Ayon sa impormasyon, ang drayber ng nabanggit na pulang Vios (Sedan) ay kinilalang si alyas “Onad” 52 anyos at residente ng Purok 1, Barangay Bulala, Sta. Elena, Camarines Norte.
Sakay ng nasabing sasakyan ang tatlong (3) pasaherong nakilalang sina “Lance”, 19 anyos, “Weng”, 52 anyos at si “Cris”, 13 anyos na pawang mga residente ng Villamor Airbase, Pasay City.
Nagsasagawa umano ng Visita Iglesia ang mga biktima at habang nilalakbay ng drayber ng nasabing sasakyan ang kahabaan ng kalsada mula sa bayan ng Daet patungong Brgy. Poblacion, Capalonga ay nakatulog umano ito habang nagmamaneho na naging dahilan upang mahulog ang kanilang sinasakyan sa gilid ng kalsada.
Nagtamo ng mga sugat sa iba’t-ibang bahagi ng katawan ang 19 anyos na pasaherong si Lance at agad naman itong dinala sa CNPH-Annex II Hospital sa Barangay Catioan ng nasabing bayan upang lapatan ng agarang gamot.
Maswerte namang ligtas ang iba pang sakay at drayber ng nasabing sasakyan at nasa maayos ng kalagayan.
Samantala, dakong alas 2:10 ng hapon nitong Abril 15, 2022, isang tawag mula sa isang concerned citizen ang nagpaabot ng impormasyon sa himpilan ng Capalonga MPS ukol sa isa na namang aksidenteng pagkahulog ng isang silver na sasakyang Toyota Tamaraw Revo na sakay ng labindalwang (12) katao.
Nabatid sa imbestigasyon na ang nabanggit na sasakyan ay minamaneho ng isang ginang na itinago sa pangalang “Jenny”, 44 anyos na residente ng General Trias, Cavite City.
Sakay ng nasabing sasakyang ang labing isang (11) katao na mula sa Gen. Trias, Cavity, City na kinilalang sina:
1.“Maria”, 20 taong gulang;
2.“Rey”, 33 taong gulang;
3.“Kaye”, 33 taong gulang;
4.“Gelo”, 11 taong gulang;
5.“Maya”, 20 taong gulang;
6.“Xel”, 5 taong gulang;
7.“Kay-R”, 4 taong gulang,
8.“Leon”,18 taong gulang;
9.“Rica”16 taong gulang;
10.“Arnold”, 47 taong gulang; at si
11.“Lyra”, 11 buwang taong gulang na bata.
Ayon sa drayber ng sasakyan, habang nilalakbay nito ang kalsada mula sa bayan ng Paracale patungo sa bayan ng Capalonga para magsagawa ng Visita Iglesia sa simbahan ng Saint Lucy Parish Church, nakita umano nito na biglang bumukas ang likurang pinto ng kasunuran nitong sasakyan na isang Toyota Wigo na minamaneho ng kanyang asawa na naging dahilan ng kaniyang pagkagulat at pagkawala ng kontrol sa manibela ng sasakayan na nagresulta sa pagkahulog nito sa kanang bahagi ng kalsada.
Maswerte namang nakaligtas ang lahat ng sakay ng nasabing sasakyan maliban kay “Maria” na nagtamo ng mga sugat sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan.
Agad naman itong dinala sa CNPH-Annex II Hospital sa Barangay Catioan, Capalonga, Camarines Norte para sa agarang pagpapagamot habang ang sasakyang sangkot ay nagkaroon rin ng pinsala at nasa pag-iingat na ng may ari.
(photo courtesy of CNPPO)
