Nararanasan ngayon ng Southeast Asia ang pinakamalalang pagtaas sa bilang ng mga tinatamaan ng COVID-19 at namamatay dahil sa virus mula nang mag-umpisa ang outbreak noong nakaraang taon.
Habang naghahanda na ang mga bansa sa Europa na alisin ang mga natitira nitong restriksyon, ay maraming gobyerno sa Southeast Asia ngayon ang naghihigpit ng kanilang measures, upang mapabagal ang paglaganap ng COVID-19.
Sa Indonesia, na pinakamatinding tinamaan ng pandemya at maituturing bilang bansa na may pinakamalaking populasyon sa rehiyon, ay naitala ang mahigit 38,000 na bagong kaso noong Biyernes.

Dahil diyan ay pinalawak ng mga otoridad ang sakop ng mga restriksyon sa kanilang bansa nitong Biyernes, upang maiwasan ang nangyari sa isla ng Java kung saan ay punuan na ang mga ospital at mababa na ang suplay ng oxygen.
Samantala, naitala naman ang mahigit 9,000 mga kaso sa Malaysia at Thailand, na dahilan para ianunsyo ng mga gobyerno nito ang mas mahigpit na measures kabilang na sa Bangkok, para mapabagal ang pagkalat ng Delta variant.
Sa Myanmar naman ay naitala ang 63 nasawi at 4,320 na bagong kaso nitong Biyernes, na parehong maituturing bilang record high, habang sa Cambodia naman ay na-obserbahan nito ang pianakamataas na pagsipa sa bilang ng mga kaso at nasawi sa nakalipas na siyam na araw.
Nanganganib na rin ang Vietnam na minsan nang nakilala sa matagumpay nitong paglaban sa pandemya, dahil sa patuloy na pagdami ng mga naitatala nitong mga kaso sa nakalipas na limang araw kumpara sa unang 14 na buwan ng pandemya.