Timbog ang isang construction worker matapos umanong magbenta ng hindi lisensyadong baril sa isinagawang entrapment operation ng PNP Alicia.
Sa nakalap na impormasyon ng 92.9 Brigada News FM Cauayan sa Alicia Police Station, kinilala ang suspek na si Rogelio Secules, 54-anyos, single, at residente ng Brgy. Calaocan, Alicia, Isabela.
Ayon sa kapulisan, una rito ay nakatanggap umano ang naturang himpilan ng impormasyon kaugnay sa pagbebenta ng baril ng suspek sa isang posibleng buyer.
Matapos maberipika ang impormasyon ay agad na nagsagawa ng entrapment operation ang mga kasapi ng PNP Alicia kung saan positibo umanong nakabili ng kalibre 38 na baril ang poseur buyer mula kay Secules.
Nakumpiska rin sa suspek ang isang piraso ng heat sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang dried marijuana leaves, 3 piraso ng 1,000 peso bill at tatlong piraso ng 500 peso bill bilang boodle money; pera na nagkakahalaga ng 610 pesos, isang cellphone at bag.
Sa ngayon ay nasa pangangalaga na ng PNP Alicia ang suspek at mahaharap sa kasong paglabag sa RA 10591 at RA 9165.