Pinasinayaan ngayong araw ng Lokal na Pamahalaan ng Ilagan katuwang ang City Anti-Drug Abuse Council at Regional at Provincial PDEA ang kanilang Balay Silangan Reformation Program.
Sa naging panayam ng 92.9 Brigada News FM Cauayan kay City Information Officer Paul Bacungan, ang naturang programa ay magsisislbing tahanan ng mga 33 drug reformists ng lungsod sa loob ng isang buwan.
Dahil sa nagpapatuloy na pandemya, hinati naman ang mga ito sa tatlong batch kung saan sampu (10) kada buwan ang sasailalim sa naturang programa.
Dadaan ang mga ito sa counselling na papangunahan ng City Social Welfare and Development Office at City Health Office habang gagabay naman ang Ilagan Ministers Association para sa kanilang spiritual counseling.
Maliban dito ay sasailalalim din ang mga ito sa livelihood training tulad ng bonsai making, food processing, at iba pang technical vocational training sa pamamagitan ng Manpower Skills Training Program.
Makakatanggap naman ng financial assistance at rice subsidy ang pamilya ng mga ito habang sila ay nasa loob ng Balay Silangan.
Naniniwala naman si Mayor Josemarie Diaz na isa itong magsisilbing solusyon sa kanyang syudad upang makamtam nila ang Drug Free City.
Sa ngayon ay nasa 41 na barangays ang drug free, 39 naman ang drug cleared, at nasa 11 na barangay ang ipinoproseso na ang mga dokumento upang tuluyang maideklara na drug cleared sa mga susunod na linggo.