Nagpaalala si Albay Representative Edcel Lagman na panatilihin ang pagiging “independent” sa pagpapasya o pag-apruba ng mga panukalang batas na makatwiran sa halip na umaksyon para sa ikalulugod ng Simbahan.
Ayon kay Lagman, hindi tamang idahilan sa pagbasura sa panukalang Absolute Divorce Bill ang mariing pagtutol dito ng Simbahang Katolika na mas tanggap umano ang annulment at may sariling canonical dissolution.
Kailangan na aniyang gumawa ng remedyo sa mga inabusong maybahay upang mapalaya mula sa toxic o nasirang pamilya.
Bagama’t iginagalang ni Lagman ang posisyon ni Senate President Chiz Escudero na mas pabor ito na gawing accessible at mas mura ang annulment kaysa diborsyo, may mga pagkakaiba umano ang dalawang pamamaraan.
Paliwanag ng kongresista, sa annulment ay maaari pang maging valid ang kasal kapag hindi napawalang-bisa sa loob ng limang taon mula nang nadiskubre ang sanhi samantalang sa divorce ay mayroong valid marriage na nasira dahil sa marital conflict, karahasan, pang-aabuso, pagtataksil at pagpapabaya.
Bukod dito, ang mga rason sa annulment ay dapat nangyari umano bago o sa kasagsagan ng selebrasyon ng kasal habang sa divorce ay saklaw ang bago, kasalukuyan at pagkatapos ng kasal kung saan nagsasama na ang mag-asawa.
Giit pa ni Lagman, malinaw na naipasa sa Kamara ang Absolute Divorce Bill sa pamamagitan ng mayorya ng boto gaano man kaliit ang pagitan.