BNFM BICOL— Kasabay ng pag-arangkada kahapon ng pagbubukas at pagtanggap ng COMELEC ng mga magpa file ng Certificate of Candidacy ng mga nais kumandidato at tumakbo para sa 2022 National and Local Election, inihayag ni Virac, Catanduanes Election Officer Atty. Maria Theresa Dolores ang ilan sa mga paalala sa lahat ng mga maghahain ng kanilang COC.
Kabilang dito ang restriksiyon kaugnay pa rin ng pag-iingat kontra COVID-19 kung saan tanging isa hanggang dalawa katao lamang ang maaaring sumama sa aspiring candidate sa pagtungo nito sa tanggapan ng COMELEC.
Ipinagbabawal ang paghahakot at pagdadala ng mga taga suporta upang maiwasan ang siksikan sa loob ng tanggapan na posibleng maging sanhi ng COVID-19 transmission.
Sa usaping dokumento naman, kinakailangang isabay ng aspiring candidate sakanyang pag file ng COC ang Certificate of Nomination and Acceptance o CONA mula kanilang respetibong partido habang ang hindi naman magsusumite nito ay awtomikong ikokonsidera bilang isang ‘independent candidate.’
Paalala pa ni Atty. Dolores, maikukunsidera lamang na opisyal na kandidato sa halalan ang isang indibidwal na nag file ng kanyang COC sa panahon ng campaign period na magsisimula sa February 2022 para sa national level at March 2022 naman para sa local level.###