Siniguro ng Commission on Elections na walang dapat ipangamba ang mga botanteng na-delay ang pag-feed ng mga balota sa mga vote counting machines nitong Lunes.
Ito ay makaraang magka-aberya ang ilang mga VCMs dahilan para iwan na lamang ang mga balota at hindi kaagad makatanggap ng mga resibo ang mga botante.
Ayon kay COMELEC Commissioner George Garcia, makatitiyak ang mga botante na lahat ng mga balotang iniwan sa mga electoral board ay accounted lahat.

Bantay-sarado rin aniya ng mga watchers ang iniwanang mga balota kaya nabilang lahat ng mga ito.
Samantala, muli rin nitong nilinaw na walang hokus pokus at pagmamaneobrang nangyari sa resulta ng halalan.
Lahat aniya ng mga polling precincts ay nag-produce ng 30 mga election returns na ibinigay sa mga political parties, pati na rin sa mga citizen arms gaya ng PPCRV.
Ibig-sabihin, kahit magkaroon pa ng cross-checking sa resulta ng mga boto ay magtutugma talaga lahat ito.
Nilinaw din nito ang isyu ng viral na video kung saan ay makikitang mayroong mga pinupunit na balota.
Ayon kay Garcia, malinaw daw na peke lamang ito at ang mga pinunit na balota sa video ay ang mga ballots na ginamit sa demonstration.
#