Inumpisahan na ng Commission on Elections ang imbestigasyon nito sa naganap na pamamaril sa grupo ni presidential candidate ka-Leody de Guzman at mga miyembro ng Manobo-Pulangiyon tribe sa Quezon, Bukidnon.
Ngayong election season, umiiral ang mahigpit na implementasyon ng gun ban, ngunit mayroon pa ring mga pribadong armadong grupo na nakapagdadala ng kanilang mga armas.
Ayon kay Comelec Commissioner Marlon Casquejo, makasisiguro ang mga concerned parties na mayroon nang imbestigasyon hinggil sa insidente.
Ipauubaya umano ang imbestigasyon kay Comelec Commissioner Aimee Ferolino na nagsisilbi ngayong vice chairperson ng Comelec Commitee on the Ban on Firearms and Security Concerns matapos ang pagbibitiw sa puwesto ni Commissioner Socorro Inting.

Una nang kinundena ng Palasyo ang naganap na pamamaril at inatasan ang mga concerned agencies na panagutin ang dapat managot sa insidente.
Matatandaan sa inisyal na imbestigasyon ng Philippine National Police, sinabi nitong masiyado pang maaga para ideklarang may kinalaman sa eleksyon ang pamamaril.
#