CAMARINES NORTE – Aminado ang Commission on Elections na maapektuhan ang kanilang paghahanda sa halalan sa 2022 dahil sa pinalawig na voter registration.
Mayroon na kasing nakalatag na calendar of activities bago magdesisyon ang Central Office na palawigin ang voter registration dahil na rin sa panawagan ng iba’t- ibang sektor.
Ayon kay Election Officer III Annelyn Abanes ng Comelec Speaker’s Bureau magkakaroon sila ng mga adjustment sa kanilang ginagawang paghahanda.
Dahil sa extension ay mai- extend din ang Election Registration Board (ERB) hearing at ang pagawa ng pinal na listahan para sa halalan.
Halimbawa na lamang umano sa pag imprinta ng mga balota mula sa mataas na posisyon hanggang sa munisipyo.
“Ma eextend na naman ang ERB hearing, ma eextend ang pagawa naming ng pinaka final na listahan na gagamitin para sa national and local elections,” ani Abanes sa panayam ng Brigada News FM Daet.
“Affected lahat yan kasi diba pagawa ng balota from President, Senador, Partylist pagdating ng Local nababago yan per province, nababago rin yan per municipality o di ilang salang yan, affected yan.”
Sa October 18 nakatakda ang dapat sana ay huling ERB hearing.
Dahil pinalawig ang registration ay muling magsasagawa ng ERB hearing ang Comelec.
Gayunman, kumpiyansa si Abanes na kakayanin pa rin ang paghahanda para sa halalan.
Nagtitiwala umano ang Comelec local sa desisyon ng mga Commissioner at handa umano sila na tumalima sa kautusan.
Sa naging desisyon ng Comelec en banc, extended ang voter registration mula October 11- 30 Lunes hanggang Biyernes alas 8 ng umaga hanggang alas 5 ng hapon.
Walang registration kapag Sabado maliban sa huling araw sa October 30.
