CAMARINES NORTE- All set na ang Commission on Elections para sa muling pagbubukas ng voter’s registration mula sa Lunes, Hulyo 4 hanggang 23 ng taong kasalukuyan bilang paghahanda sa December 5, 2022 Barangay at Sangguniang Kabataan Elections.
Bukas ang pagpaparehistro mula Lunes hanggang Sabado kasama ang holiday simula alas 8 ng umaga hanggang alas 5 ng hapon.
Sa panayam ng Brigada News FM Daet kay Election Officer IV Virgilio Veras sinabi nito na tatanggapin ng Comelec ang new registration, transfer mula sa ibang munisipyo o barangay, change/correction of entries, reactivation of records, inclusions and reinstatement at transfer from foreign post to local.
Ang mga magpaparehistro para sa SK ay dapat 15 taong gulang pero hindi naman lalagpas sa 30 taong gulang at naninirahan sa barangay ng anim na buwan bago mag December 5, 2022.
Maari ring bomoto ang regular voter sa SK o 18 taong gulang at hindi lalagpas ng 30 taong gulang.
Ang mga dati nang rehistrado sa SK ay hindi na kailangang magparehistro ulit dahil awtomatikong maisasama ito sa listahan ng regular voter.
“Hindi na kinakailangan dahil may record na sila nasa data base na ng aming voter registration system na aming ginagamit na voters registration machine yung kanilang records,” ani Veras.
Maaaring magdala ng alinman sa mga sumusunod na requirements sa pagpaparehistro; National ID, Employee’s ID na may pirma ng employer o authorized representative, Postal ID, National PWD ID card, Student’s ID o library card na may pirma ng school authority, senior citizen’s ID, driver’s license, NBI clearance, passport, SSS/GSIS ID, IBP ID, lisensiya na inisyu ng PRC, Certificate of confirmation issued by NCIP kung miyembro ng IPs, Barangay Identification o certification na may picture o anumang valid ID
Tiniyak ng Comelec na aasistihan ang mga magpaparehistro kung ito ay nalilito at may hindi nauunawaan.
