NAGA CITY- Nagpaabot na ng pakikiramay ang mga kaanak, malapit na kaibigan at mga nakasama sa mundo ng pulitika ni dating Department of Budget and Management Secretary, Camarines Sur former First District Congressman Atty. Nonoy Andaya Jr.
Sa official facebook page ng dating opisyal isinapubliko ng mga anak na sina Ranton at Katrina ang pagpanaw ng ama.
Kasama sa mga nagpaabot ng pakikiramay ang anak ni Former President Gloria Macapagal Arroyo na si Camarines Sur former Congressman Dato Arroyo. Gayundin ang ilang mga alkalde tulad nina Tigaon Mayor Mayor Chiqui Fuentebella, Ocampo Mayor Allan Go. Kapwa Abogadong si Former Naga City Mayor Atty. John Bongat, Judge Zenny Bragais at marami pang iba. Pati mga nakasama sa pag-awit at pagtugtog sa lalawigan inalala rin ang dating opisyal. Naka half-mast na ang bandila sa ilang munisipyo halimbawa sa capital town Pili; si Andaya at Mayor Tom Bongalonta ay kilalang malapit sa isa’t-isa.
2020 nang pumanaw dahil sa cancer ang maybahay nito na si Cong. Marissa Andaya . Ipinagpatuloy ni Atty. Andaya ang buhay sa pulitika at nito ngang 2022 Elections lumaban pa siyang Gobernador pero nabigo muli.
Matatandaan na sa inisyal na ulat ng Naga City Police Office, nakarinig ng putok ng baril ang personal assistant ni Andaya Jr sa tahanan sa isang subdivision sa Concepcion Grande Naga City , bandang alas-7 ng umaga nitong Huwebes Hunyo 30, nakita na lamang sa kwarto ang 53-anyos na kongresista na may tama ng baril sa bahagi ng kaniyang ulo.
Panalangin ang hingi ng pamilya.