Ibinasura ng Commission on Elections First Division ang huling disqualification case laban kay presidential candidate Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. para ngayon May elections, dahil sa kawalan ng merito.
Sa desisyon na pirmado nina Comelec Commissioners Socorro Inting, Aimee Ferolino, at Aimee Torrefranca-Neri, ibinasura ang inihaing petisyon ng Pudno Nga Ilokano (Ang Totoong Ilokano) laban kay Marcos, na may kaugnayan sa tax-related cases noong 1995 kung saan nahatulang nagkasala si Marcos.
Mababatid na batay sa petisyon ng grupo, sinabing walong beses na na-convict si Marcos Jr. ng Quezon City Regional Trial Court (QC RTC) Branch 105 noong 1995 dahil sa kabiguan na mag-file ng kaniyang income tax returns bilang gobernador ng Ilocos Norte para sa taong 1982 hanggang 1985. Bigo rin umano si Marcos na magbayad ng deficiency taxes.
Sa pasya ng Court of Appeals noong 1997, binago nito ang parusa at inatasan si Marcos Jr. na magbayad ng tax deficiencies at magmulta.

Pero paliwanag ng Comelec division, ang non-filing of income tax returns ay hindi krimen na kinasangkutan ng “moral turpitude,” na basehan para madiskuwalipika ang isang kandidato.
Binigyan-diin din dito na nagbayad umano si Marcos Jr. ng income tax liability sa pamamagitan ng “withholding system, albeit not in full,” at kahit hindi umano ito nakapagsumite ng ITR ng ilang taon, walang usapin ng tax evasion, dahil wala namang buwis na tinakasan. //MHEL PACIA-TRINIDAD