NAGA CITY – Nasa 61% ang itinaas ng collection ng Naga City sa katatapos pa lamang na Business One Stop Shop o BOSS na kung saan umabot ito sa mahigit P297 milyon at nahigitan ang target na nasa P285 milyon lamang.
Mas mataas din ito kumpara noong taong 2022 na nasa P248 milyon ang nakolekta.
Sa halagang ito, may natitira pang nasa 900 na mga negosyante ang hindi nakaabot sa deadline noong nakaraang araw, January 31.
Ito ang assessment na inilabas ni Maricor Gayanilo, Head ng City Treasurer’s Office kahapon sa harapan ng mga Barangay Officials at ng mga representatives ng iba’t-ibang Government Agencies na naging katuwang sa pagpatupad ng BOSS.
Ayon kay Gayanilo, malaki ang naging partisipasyon ng bawat barangay sa tagumpay na ito ng BOSS ngayon na muli ay lumampas sa target collection.
Sa pahayag naman ni City Administrator Elmer Baldemoro, sinabi niyang palatandaan ito na tuloy-tuloy na ang pagyabong muli ng pagnenegosyo sa lungsod ngayon at sa mga susunod pang taon.