Naka-heightened alert na ang Philippine Coast Guard para sa inaasahang pagdagsa ng mga pasahero sa mga pantalan sa Undas.
Sinabi ni PCG commandant Vice Admiral Leopoldo Laroya na magsasagawa ang Coast Guard districts ng 24/7 operations upang ma-monitor ang mga nautical highway routes.
Giit ni Laroya, tututukan nila lalo ang mga ruta na papunta sa Kabisayaan, kung saan ay sumasailalim sa revamping ang lokal na turismo.
Ipinunto ng opisyal na inutusan na niya ang lahat ng concerned units na tiyakin ang maritime security at safety sa western at eastern seaboards ng bansa, at pati na rin sa inter-island routes.
Inihayag naman ng PCG na sakop ng western seaboard monitoring nito ang Batangas, Occidental Mindoro, Aklan, Iloilo, at Zamboanga region habang ang mga pantalan sa Manila, Bicol region, Samar, Leyte at Surigao provinces ay bahagi naman ng eastern seaboard monitoring nito.
