CAMARINES NORTE- Pinaalalahanan ng Philippine Coast Guard ang mga sumasakay sa pampasaherong bangka kasunod nangyaring trahedya sa Real, Quezon kung saan nasunog ang isang fast craft vessel na ikinamatay ng hindi bababa sa pito katao at ikinasugat ng iba pang mga sakay nito.
Sa panayam ng Brigada News FM Daet kay Commodore Angel Viliran, Commander ng Coast Guard District Bicol sinabi nito na mahalagang maging aware sa paligid ang mga pasahero at agad na ireport sa mga kinauukulan kung may mapansing hindi normal na pangyayari.
Aniya hindi dapat ipagwalang bahala kung may mapansing panganib at maging alerto sa lahat ng oras.
Huwag din umanong magdala ng mga bagay na posibleng maging sanhi ng sunog at mayroon namang listahan ng mga bawal dalhin at isakay sa barko.
Aminado naman ang opisyal na kung ang problema ay ang makina ng barko ay hindi ito kaagad- agad mapapansin kung hindi pinapaandar kaya mahalagang maging alerto sa lahat ng oras.
Ayon pa kay Viliran mahalagang matingnan din ang manifesto ng barko o fast craft at kailangang magbigay ng kopya nito ang mga kumpanya sa Coast Guard upang masigurong walang excess passenger.
At ngayong ideneklara na ng Pagasa ang panahon ng tag ulan, nagpaalala ang opisyal sa publiko na mag ingat sa mga panganib na hatid nito at sundin ang mga alituntunin sa pagsakay sa mga sasakyang pandagat.
