KORONADAL CITY- INENDORSO na ng Sangguniang Panlalawigan ng South Cotabato ang coal mining project ng Daguma Agro Minerals Incorporated (DAMI), Sultan Energy Philippines Corp. (SEPC) at BONANZA Energy Resources Inc. sa Barangay Ned, Lake Sebu.
Sakop ng Coal Operating Contracts (COC) 126, 134, at 138 ng nasabing mga kompanya ang mahigit kumulang sa 9,000 hectares na lupain.
Nakasaad sa resolution ng SP na “strip mining with progressive rehabilitation” ang paraan ng pagmimina ng coal at hindi open pit mining method na mahigpit na ipinagbabawal sa South Cotabato batay sa Environment Code.
Napag-alaman na naging unanimous ang desisyon ng SP sa pag-endorso sa implementation ng COC ng DAMI, SEPC at BERI kasama ang Department of Energy.
Present sa isinagawang session sina Board Members Hilario De Pedro VI, Dardanilo Dar, Henry Ladot, Rolando Malabuyoc, Edgar Sambog, Eamon Matti, Jinky Avance-Samodal, Ellen Grace Subere-Albios, Ester Marin Catorce, Antonio Fungan, Alyssa Marie Fale, Rose Grace Achurra, Noel Escobillo at presiding officer Vice Governor Vicente De Jesus.
Mismo si San Miguel Corporation Chief Executive Officer (CEO) Ramon Ang dumalo virtually sa session kahapon kung saan pinasiguro nito na hindi open-pit mining method ang kanilang paraan ng pagmimina ng coal.
Matatandaan na una nang binasura ng SP ang naturang coal mine project noong 2018 dahil labag umano ito sa Environment Code ng lalawigan. Bomoto noon pabor sa proyekto sina Board Members Hilario De Pedro VI, Dardanilo Dar, Glezel Mariano-Trabado at dating PCL president Sheelamar Baclaan.
Kabilang naman sa mga hindi pumabor noon sa coal mine sina Board Members Ellen Grace Subere Albios, Ester Marin Catorce, at dating Board Members Romulo Solivio, Cecil Diel, Romeo Tamayo at Vicente Yungco Jr.
Inihayag noon ni Diel na ang strip mining ay maituturing na open-pit mining na labag sa Section 22-b ng Envi Code.
Ang coal sa Barangay Ned ang isa sa tinitingnang dahilan ng landslide at tension cracks sa ilang mga sitios sa naturang barangay.
Batay sa geohazard threat advisory ng Mines and Geosciences Bureau o MGB 12 ng August 13, 2019 kay Lake Sebu Mayor Floro Gandam, isa sa mga rekomendasyon ng ahensya ang posible extraction ng coal sa ilalim ng lupa.
