CHINA— Walang masama sa pagtulong pero sa panahon ngayon kung saan laganap ang mga oportunista at ‘scammers’ kailangan rin nating maging mapanuri sa ating mga tinutulungan.
Kagaya na lamang ng nangyari sa Hangzhou Province sa bansang China kung saan natuklasan na ang isang lola na nagmamalimos sa isang istasyon ng tren ay hindi pala totoong pulubi at katunayan ay mayroong marangyang pamumuhay.
Mismong ang anak nito ang nag post sa social media na nakikiusap sa publiko na huwag bigyan ng limos ang kanyang ina dahil mayaman ang kanilang pamilya.
Sa katunayan umano, bukod sa pagkakaroon ng maraming negosyo, nagmamay-ari din ito ng limang palapag na bahay, may monthly pension, at mayroon pang mga paupahang apartment.
Ayon naman sa ulat ng local media sa lugar, inihayag umano ng matanda na hindi siya mapakaling walang ginagawa sa loob ng kanyang bahay kung kaya’t nag desisyon siyang mag tinda sa istasyon ng tren.
Sakabila nito, palagi siyang nasisita ng mga guwardiya kaya’t namamalimos na lamang siya sa mga pasahero dahil hindi sinisita ang mga pulubing namamalimos ng pera.
Makaraang matuklasan ang tunay na katauhan ng matanda, inaanunsiyo na sa speakers ng tren ang isang paalala sa mga pasahero na huwag magpapaloko sa naturang matanda na animo’y nagkukunwaring pulubi ngunit ang totoo, mas may kaya pa ito kaysa sakanila.### JUMEL DELA ROSA, BNFM Bicol