CAMARINES NORTE- Hindi muna nagbigay ng opisyal na pahayag at nagpaunlak ng panayam, sa halip ay magpapatawag na lang daw ng Press Conference ang Camarines Norte Water District (CNWD) at Primewater upang ipaliwanag ang bagong taripa sa tubig.
Sa pakikipag usap ng Brigada News FM Daet kay Primewater Branch Manager Engr. Mark Anthony Muroda, sinabi nitong handa silang ipaliwanag ang tungkol sa water rate increase at sagutin ang mga katanungan ng publiko.
Nakatakdang gawin ang Press Conference bago matapos itong buwan.
Batay sa naunang anunsiyo ng CNWD at Primewater ipapatupad na sa Hunyo ang dagdag na singil sa tubig.
Ang panibagong rate na ito ay magsisimulang ilapat sa konsumo ng buong buwan ng Mayo.
Matatandaan na humirit ang Primewater ng pagtaas sa taripa sa tubig noon pang 2020 sa National Water Resources Board (NWRB) .
Una nang ipinaliwanag noon ni Muroda na nakapaloob sa Joint Venture Agreement (JVA) sa pagitan ng CNWD at Villar- owned company na sa ika- apat na taon matapos na maselyuhan ang kasunduan ay magkakaroon ng pagtaas sa taripa sa tubig kaya wala umanong nilalabag na proseso.
Nakapaloob umano ito sa Business Plan ng kumpanya pero hindi lang naman daw ito pagtaas dahil mayroon itong kaakibat na development aspect.
Samantala, plano rin umano ng kumpanya at ng CNWD na makipagpulong kay Governor- elect Ricarte “Dong” Padilla sa mga susunod na araw.
Ito ay upang ilatag sa bagong Gobernador ang kanilang mga programa at proyekto.
