CAMARINES NORTE- Masayang sinalubong ng mga Aleng Pulis ng Camarines Norte Police Provincial Office ang pagdiriwang ng 2022 Women’s Month Kick-Off Ceremony kahapon Marso 7, 2022 sa ganap na ika-8 ng umaga kasabay ng tradisyonal na Regular Monday Flag Raising Ceremony sa Camp Wenceslao Q. Vinzons, Sr. Brgy. Dogongan, Daet, Camarines Norte.
Ang programa ay bilang pagkilala sa mga katangi-tanging kababaihang pulis sa larangan ng Women and Children Protection Desk (WCPD) at Family Juvenile Gender and Development (FJGAD).
Kinilala at ginawaran ng parangal sina PSSg Geneivive A Vecino ng Jose Panganiban MPS (Class B Municipality), PCpl Ieza DM Rafer mula sa San Vicente MPS (Class C Municipality) at si PCpl Arlene Arroyo ng Labo MPS (Class A Municipality) bilang mga “Best WCPD PNCO”.
Samantala, pinarangalan din sina PCpl Jiesel N Mago ng Vinzons MPS, PCpl Ieza DM Rafer mula sa San Vicente MPS, PCpl Ma. Cristina Divina Gracia Lopez ng Mercedes MPS, PCpl Joy C Cortez ng Basud MPS at si Pat Abbie Jean D Gonzales mula sa Sta. Elena MPS.
Sa ibinigay na mensahe ng panauhing pandangal na si DR. KRISTENE JOY IRAOLA-DAVOCO na kung saan ipinaabot niya sa lahat ng kababaihang dumalo ang patas na pagtrato sa mga babae sa anumang aspeto ng buhay.
Taas noo rin niyang ipinagmamalaki na ang kababaihan ngayon ay talaga namang nakikipagsabayan at pumapantay na sa mga kalalakihan sa anumang larangan maging sa pagbibigay ng patas na karapatan.
Dakong alas 3:00 ng hapon naman ay ginanap ang ikalawang bahagi ng programa kung saan sabay-sabay na umindak sa saliw ng musika sa isinagawang “Zumba Dance” ang lahat ng mga kababaihang pulis kasama ng mga imbitadong Zumba enthusiast mula sa bayan ng Sta Elena.
