Patay ang isang lalaki matapos mabangga ng lulang motorsiklo ang kasalubong na tricycle sa Tandang Sora St. Brgy. Macalaoat, Cabatuan, Isabela dakong alas-7:30 kagabi.
Ang nasawi ay kinilalang si Joey Jacinto Jr., 21 anyos, single, at residente ng Brgy. La Paz, Cabatuan.
Habang kinilala naman ang driver ng tricycle na si Diosdado Ibarra, 45 anyos, single at ang pasahero nito na si Rowena Marso, 46 anyos, single na kapwa residente Brgy. Rizal, Roxas, Isabela.
Sa panayam ng 92.9 Brigada News FM Cauayan kay PMaj. Lorvinn Layugan, hepe ng Cabatuan Police Station, sinabi niya na parehong binabaybay ng dalawang behikulo ang lansangan sa magkasalungat na direksyon.
Patungo aniya si Jacinto sa San Mateo Town Proper lulan ang raider 150 single motorcycle habang patungo naman sa Cabatuan Town Proper ang tricycle na lulan ni Ibarra.
Ayon kay PMaj. Layugan, nang makita umano ni Jacinto ang nakaparadang reaper sa daan ay nag-overtake ito ngunit hindi napansin ang kasalubong na tricycle dahilan ng kanilang banggaan.
Nagtamo ng sugat sa katawan ang dalawang driver maging ang pasahero na sakay ng tricycle.
Dinala ang mga sugatan na kinabibilangan ni Ibarra at pasahero nitong si Marso maging si Jacinto sa pinakamalapit na pagamutan upang lapatan ng lunas subalit idineklarang dead on arrival si Jacinto ng kaniyang attending physician.
Sinabi pa ni PMaj. Layugan na walang suot na helmet si Jacinto na posibleng dahilan upang magtamo ng malalang sugat sa ulo at nagresulta ng kaniyang kamatayan.
Titingnan din nila aniya ang maaaring pananagutan ng may-ari ng nakaparadang reaper dahil ipinagbabawal umano sa kalsada ang anumang sasakyang pambukid.