CAMARINES NORTE – Tumatanggap na muli ng COVID- 19 patients ang Camarines Norte Provincial Hospital (CNPH) halos dalawang linggo matapos na inanunsiyo ng pamunuan nito na umabot na sa full capacity ang isolation ward ng nabanggit na ospital
Ito ang inihayag ni acting Provincial Health Officer Dr. Arnel Francisco sa naging panayam ng Brigada News FM Daet.
Ayon kay Francisco, naglatag umano ang PHO ng mga stratehiya para ma- accommodate ang mga COVID patients na kailangang i- admit sa ospital.
“Unti- unting nagkaroon ang management team ng meeting tapos yung strategy namin inimpose namin na yun nga kapag medyo maayos na ang pasyente ay agad naming pinapa- step down sa bawat facility ng munisipyo para naman magkakaroon ng puwang yung iba pa na dapat i- admit dito sa aming ospital,” ani Francisco.
Kasabay nito ay hinimok ni Francisco ang mga Lokal na Pamahalaan na pagandahin ang kani- kanilang isolation facility.
Aniya, ngayong tumataas ang mga naitatalang kaso ng COVID- 19 importanteng pagtuunan ng pansin ng mga LGU’s ang kani- kanilang isolation unit gayundin ang mga Temporary Treatment and Monitoring Facility (TTMF).
“Sa isolation dito tayo nagkakaproblema kapag marami na po tayong mga pasyente at nagpa positive na, so itong isolation mapupuno, so kailangan rin nating pagandahin yung ating mga barangay isolation, municipal isolation, Temporary Treatment and Monitoring Facility.”
Isa kasi sa mga stratehiya ngayon para hindi tuluyang mapuno ang ospital partikular ang CNPH at makapag admit ito ng COVID patient na kailangang i- confine ay i- step down sa mga maliliit na pasilidad kung pwede nang ilabas ang pasyente at sa TTMF na lang tuluyang magpagaling.
“Para hindi mapuno itong ating mga hospital lalo na itong Provincial Hospital ay kailangan yung iba dito is step down natin dun sa maliliit na pasilidad, so kaya kailangan namin ang tulong ng ating mga mayors para pagandahin ang kanilang mga isolation facility at quarantine facility para hindi ma congest itong hospital natin para yung mga dapat nang i-discharge para papunta sa mga step down facility ay magagawa po natin.”

