Chot Reyes, balik na bilang Gilas Pilipinas head coach

Kinuha ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) si Chot Reyes, isang decorated mentor, para pumalit kay Tab Baldwin, matapos na bumaba sa pwesto ang American-Kiwi tactician para sa Gilas Pilipinas.

Ayon sa basketball body, tututok ngayon si Baldwin sa kanyang responsibilidad sa Ateneo de Manila University men’s basketball team, na pinamunuan ang three-straight UAAP titles mula 2017 hanggang 2019.

Sinabi ng SBP na ang nagpapatuloy na delays dulot ng COVID-19 pandemic, ay nagresulta sa overlapping ng schedules sa pagitan ng nalalapit na UAAP season at ang paghahanda para sa FIBA World Cup 2023 Qualifiers.

Ang incumbent TNT head coach ay ang architect sa likod ng nationals’ resurgence sa FIBA Asia stage, kung saan nakuha ng Gilas ang silver medal sa 2013 FIBA ASia Championship, na nagbigay daan para sa historic appearance sa FIBA World Cup noong 2014.

Maliban dito, tumulong rin si Reyes na makuha ng national team ang mga medalya sa William Jones Cup.