POSIBLE diumano na merong mga kasamahang Pinoy ang mga lider ng Chinese Kidnap for ransom group na dumating sa Cebu matapos arestuhin ang dalawang miyembro nito .
Patuloy na iniimbestigahan ng Anti-Kidnapping Group (AKG) Visayas Field Unit ang insidente.

Ayon kay Lt. Zosimo Ravanes Jr., team leader ng AKG-VFU, kasama ang Lapu-Lapu City Police Office (LCPO) at Regional Intelligence Division (RID-7) ay nagpatrolya sa safe house ng grupo sa Brgy. Mactan kung saan inaresto nila ang dalawang Chinese at nailigtas ang kinidnap.



Kinilala ang mga nahuli na sina Rong Tong Xue at Guo Min Li.
Habang ang biktima ay si Li Hong Yu na isa ring Chinese national.
Nabatid na ang biktima ay isang negosyante at investor sa isang real estate development sa Mactan.
Dagdag pa ni Ravanes, noong May 4, nang dukutin ng grupo ang biktima at humingi sila ng USD 200,000 o P10million sa pamilya ng biktima.
Ngunit sinabi ni Ravanes na walang nakuhang kahit piso ang mga kidnapper matapos nilang mabilis na iligtas ang negosyante sa safe house ng mga suspek.
#