CAMARINES NORTE- Halos isang linggong isasara ang catholic cemeteries sa lalawigan ng Camarines Norte mula October 29 hanggang November 4, 2021.
Mas mahaba ito sa itinakdang araw ng Inter Agency Task Force at ng Provincial Incident Management Team na mula October 29 hanggang November 2.
Batay ito sa ipinalabas na Circular nitong Lunes ni Daet Bishop Rex Andrew Alarcon upang maiwasan ang malakihang pagtitipon ng mga tao sa gitna pa rin ng banta ng COVID- 19.
Kaugnay nito ay pinapayuhan ng simbahan ang bawat isa na gawin ang pagbisita sa puntod ng yumaong mahal sa buhay bago o pagkatapos ng mga nabanggit na petsa o sa mga panahong kakaunti lang ang mga nagtutungo sa sementeryo.


Pinapaalalahanan din ang mga magtutungo sa sementeryo na sundin ang health protocols tulad ng pagsusuot ng face mask, face shield at social distancing.
Sabi pa sa Diocesan Circular, na sa pagunita ng All Saints Day at All Souls Day ay hinihimok ang lahat na suriin kung paanong ang buhay dito sa lupa ay magkakamit ng buhay na walang hanggan kasama ang Diyos.
Samantala, nagsimula na ring mag deploy ng tauhan ang PNP sa malalaking sementeryo sa lalawigan.
Kahapon, ay may mga naka deploy nang tauhan ng PNP sa Daet Public Cemetery katuwang ang force multiplier.
Bunsod ito ng inaasahang pagdami ng mga bibisita sa sementeryo bago ang October 29.

