BNFM BICOL—Inihayag ni Catanduanes Police Provincial Office Spokesperson – PltCol. Edgar Clerigo na kasalukuyang nakaalerto ang buong hanay ng pulisya sa islang lalawigan para sa pagpapatupad ng mga alituntunin kaugnay sa pagsasailalim nito sa Modified Enhanced Community Quarantine.
Ayon kay Clerigo, nakalatag na ang PNP sa mga pangunahing kakalsadahan sa probinsya para sa pagsasagawa ng checkpoint at pagpapatrolya upang matiyak na nasusunod ng mga residente ang mga ipinatutupad na COVID-19 restrictions.
Dagdag pa ng opisyal, katulad aniya ng inaasahan ay kakaunti ang bilang ng mga taong nasilayan ng kanilang pwersa sa mga kalsada sa ikalawang araw ng pagpapatupad ng MECQ kahapon.
Marahil ay nakatulong umano dito ang pagsasara sa lahat ng mga pribado at pampublikong sementeryo mula pa nitong October 29 hanggang November 4 kaugnay pa rin ng pag-iingat sa posibleng pagdagsa ng publiko sa mga sementeryo sa paggunita ng Undas.
Sa huli, hiningi ni Clerigo ang kooperasyon ng publiko at pagsunod ng mga ito sa mga ipinatutupad na COVID-19 restrictions upang hindi na ma-extend pa ang implementasyon ng Modified Enhanced Community Quarantine sa lalawigan ng Catanduanes.###