BNFM BICOL—Inihayag ni Catanduanes State University Pres. Dr. Allain Patrick Azanza, na nasa 1,000 estudyante ng naturang unibersidad ang nakatakdang bakunahan kontra COVID-19 sa darating na araw ng Huwebes, November 4 at araw ng Biyernes, November 5.
Ayon kay Azanza, ang nasabing slot ng mga bakuna ay inilaan ng Provincial DOH para sa mga mag-aaral ng unibersidad kaugnay na rin ng nagpapatuloy na vaccination roll out sa isla.
Dahil sa dami ng mga nagpa lista, hinati ang 1,000 slots sa dalawang araw na vaccination schedule kung kaya’t 500 ang babakunahan sa Huwebes, habang 500 naman ang babakunahan sa Biyernes.
Ang vaccination venue ay sa CatSU stadium at magsisimula naman ito mula alas 8:00 ng umaga hanggang alas 5:00 ng hapon.
Kaugnay nito, kinumpirma naman umano ni DOH Provincial Officer Dr. Robert John Aquino na Sinovac ang brand ng bakunang ituturok sa mga estudyante.
Paalala nito sa mga babakunahan, siguraduhin na nasa master list ang kanilang pangalan bago pumunta sa vaccination site.###