BNFM BICOL— Posibleng ang lalawigan ng Catanduanes ang unang magkamit ng ‘herd immunity’ sa buong Bicol ngayong taon.
Iyan ang inihayag ni DOH-Bicol Regional Director Dr. Ernie Vera, sakanyang naging mensahe sa ceremonial launching ng “Resbakuna Kids” sa nasabing lalawigan nitong nakaraang araw.
Ayon kay Vera, batay sakanilang hawak na datus sa DOH regional office, ang Catanduanes ang ‘leading’ o nangunguna sa roll out ng bakunahan sa rehiyon.
Bunsod nito, nagpahayag din ng pasasalamat ang opisyal sa lokal na pamahalaan at sa lahat ng mga tumutugon sa panawagan ng ahensya na mabakunahan ang mayorya sa populasyon ng islang probinsya.
Matatandaang nagpapatuloy ngayon ang vaccination roll out sa iba’t-ibang panig ng Catanduanes, habang nitong nakaraang Lunes ay sinimulan na rin ang pagbabakuna sa mga batang edad 5 hanggang 11 taong gulang kung saan nasa mahigit 44,000 na mga bata ang target na mabakunahan.###