Sa ikalawang pagkakataon, ay hindi na naman matutuloy ang laban nina John Riel Casimero at Paul Butler, matapos umano ang ginawa nitong pagsa-sauna para magbawas ng timbang na ipinagbabawal ng British Boxing Board of Control’s (BBBoC).
Mababatid na nakatakda sanang idepensa ni Casimero ang kaniyang WBO world bantamweight title laban kay Butler sa Echo Arena sa Liverpool, England sa Abril 22.
Dahil dito, ang Pinoy na si Jonas Sultan ang makakaharap ni Butler para sa WBO interim bantamweight title.

Kaugnay nito, pinagpapaliwanag din si Casimero sa loob ng 48 oras kung bakit hindi dapat alisin sa kaniya ang belt bilang WBO world bantamweight king.
Matatandaan na noong nakaraang Disyembre pa dapat ang unang paghaharap nina Casimero at Batler sa Dubai pero hindi rin natuloy nang biglang isugod sa ospital ang Pinoy champ dahil sa pananakit ng tiyan. //MHEL PACIA-TRINIDAD