CAMARINES NORTE- Umaasa ang Camarines Norte Electric Cooperative na magagawan ng paraan ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) ang hinggil sa posibilidad na maranasan ang brownout sa Luzon sa panahon ng tag- init lalo na sa araw ng eleksiyon.
Sa text message sa Brigada News FM Daet ni Canoreco General Manager Zandro Gestiada, inihayag nito na NGCP ang nagdi- determina ng suplay ng kuryente dahil ito umano ang system operator sa buong bansa.
Kung ano raw ang dispatch ng NGCP ay walang magagawa ang Canoreco dahil distribution utility lang ang huli.
Ang NGCP aniya ang makaka determina sa kung mayroong mga alert status at baka magawan naman daw ito ng paraan na walang yellow o red alert status lalo na ngayong eleksiyon.
Matatandaan na nagbabala ang NGCP noong nakaraang linggo hinggil sa posibilidad na brownout sa Luzon sa tag- init.
Manipis daw kasi ang reserbang kuryente dahil taon-taong tumataas ang konsumo ng lahat kaya kailangang nakakahabol ang dami ng itinatayong power plants.
Paliwanag ng NGCP na sakto lang ang projected na supply ng pangangailangan sa darating na tag init pero maaaring mauwi sa red alert o power interruption kapag may plantang pumalya.
Wala umanong choice ang transmission at distribution kundi magpatupad ng rotational power interruption o nangangahulugang ilang oras sa isang araw posibleng mawalan ng serbisyo ng kuryente.
