CAMARINES NORTE- Tiniyak ni Vice Governor Joseph Ascutia na wala na siyang sama ng loob sa mga bokal na dating nagsuspinde sa kaniya noong siya ay Mayor pa ng bayan ng Labo.
Ito ang pahayag ng opisyal sa ambush interview ng Brigada News FM Daet pagkatapos ng Flag Raising Ceremony nitong Lunes at bago magsimula ang inaugural session.
“Ay ok na yun, everything is water under the bridge, we have to move on,” pahayag ni Ascutia.
Matatandaan na makailang beses siyang pinatawan ng suspensyon ng dating komposisyon ng SP at anim sa mga ito ay makakatrabaho pa niya ngayon.
Kabilang sa mga Bokal na bomoto noon pabor sa suspensyon ng noo’y Mayor Ascutia na nakaupo at makakasama pa niya ngayon ay sina Board Members Concon Panotes, Stanley Alegre, Atoy Moreno, Artemio Serdon at ex officio members na sina Ramon Baning at Michael Aling.
Ang mga ito ay kilalang kaalyado ni dating Governor Edgardo Tallado.
Sina Ascutia at Tallado ay dating magkasama sa pulitika ng matagal na panahon pero naghiwalay ng landas noong nagdaang eleksyon.
Natalo si Tallado kay Governor Dong Padilla pero nananatiling mayorya ang mga bokal na kapartido ng una.
Sa kaniya namang mensahe sa flag raising ceremony tiniyak ni Ascutia na magtutulungan sila ni Governor Padilla para maiangat ang kalidad ng pamumuhay ng mga taga Camarines Norte.
“Kami po ay magpapakita ng mas malapit sa tama kaysa mas malapit sa mali na paglilingkod, you can see a big difference sa amin pong panunungkulan ni Governor Dong Padilla.”
“Sa lahat po ng mga empleado dito makakaasa po kayo you are not going to hear anything from us, kahit po kayo ay previous administration kung kasama namin kayo pero kokonte lang talaga po ang mga kasama namin bago kami nangandidato pero at the end of the day kahit anuman po kayo, wala po kayong maririnig sa amin as long as hindi niyo naman kami pinapakialaman.”
