CAMARINES NORTE- Tila sinamantala ng mga nagpaparehistro ang maikling panahon ng voter’s registration para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections sa Disyembre kaya sa unang araw pa lamang ay marami na ang nagnanais magparehistro
Karamihan sa mga ito ay mga kabataan at unang pagkakataong boboto.
Sa bayan ng Mercedes, bago pa lang mag tanghali ay nasa 25 katao na ang nakapagparehistro.
Habang sa bayan naman ng Basud ay halos 30 katao ang nakapagparehistro bago pa man mag alas 4 ng hapon.
Hindi ganito ang scenario sa mga naunang voter’s registration kung saan madalas ay paisa- isa o kung minsan nga ay walang nagpaparehistro.
Kahapon ay pormal nang nagsimula ang voter’s registration na tatagal hanggang Hulyo 23.
Bukas ang pagpaparehistro mula Lunes hanggang Sabado kasama ang holiday simula alas 8 ng umaga hanggang alas 5 ng hapon.
Ang mga magpaparehistro para sa SK ay dapat 15 taong gulang pero hindi naman lalagpas sa 30 taong gulang at naninirahan sa barangay ng anim na buwan bago mag December 5, 2022.
Maari ring bomoto ang regular voter sa SK o 18 taong gulang at hindi lalagpas ng 30 taong gulang.
Ang mga dati nang rehistrado sa SK ay hindi na kailangang magparehistro ulit dahil awtomatikong maisasama ito sa listahan ng regular voter.
