CAMARINES NORTE- Bumilis pa ang headline inflation o pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo sa lalawigan ng Camarines Norte noong Agosto.
Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA) naitala sa antas na 4. 6 percent ang headline inflation na bahagyang mas mataas sa 4. 4 percent noong Hulyo pero mas mababa sa 6. 8 percent sa kaparehong panahon noong isang taon.
Ito na ang pinakamataas na antas ng inflation na naitala ngayong taon simula noong Enero.
Ang dahilan ng pagtaas ng inflation noong Agosto 2022 sa Camarines Norte ay ang mataas na gastusin sa pabahay, tubig, kuryente at petrolyo na may 9. 1 percent inflation.
Mataas din ang gastusin sa transport na nakapagtala ng 6.8 percent inflation, alcoholic beverages and tobacco sa 6.7 percent, restaurants and accommodation services sa 5. 3 percent at furnishing Household equipment sa 5.0 percent.
Gayunman pinakamabagal pa rin ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo sa Camarines Norte noong Agosto kumpara sa ibang lalawigan sa rehiyon.
Ang Masbate ang may pinakamataas na inflation sa 8. 2 percent na sinusundan ng Camarines Sur sa antas na 7. 1 percent at Sorsogon 5. 6 percent.
Ang Albay at Catanduanes naman ay kapwa nakapagtala ng 5. 3 percent inflation rate.
Naitala naman sa antas na 6. 3 percent ang headline inflation sa buong Bicol na mas mataas kumpara sa 5. 6 percent noong Hulyo.
Ito na rin ang pangalawa sa pinakamataas na inflation sa rehiyon sa loob ng apat na taon sa magkakaparehong buwan.
Kapag mataas ang inflation kinakailangang gumastos ng mas malaki ang mga tao para sa mga serbisyo at produkto na kanilang binibili.
