CAMARINES NORTE – Inihayag ng Department of Health na nananatiling nasa preparatory phase pa rin ang implementasyon ng Universal Health Care sa lalawigan ng Camarines Norte mahigit tatlong taon matapos itong maisabatas.
Sa isinagawang Provincial Local Health Board meeting kahapon na pinangunahan ni Provincial Administrator Don Padilla, sinabi ni DOH Provincial Officer Dr. Jocelyn Iraola na hanggang ngayon ay halos hindi pa rin makausad sa preparatory phase ang lalawigan.
Aniya, hindi pa man lang naabot ng Camarines Norte ang kahit 85 % ng documentary requirements para masimulan na ang implementasyon ng UCH law.
Kaugnay nito ay hinimok ni Iraola na magkaroon ng Memorandum of Understanding sa sa iba’t- ibang Local Government Unit at magkaroon ng province wide health system na ang magpapatupad ay Provincial Health Board.
Pero ayon kay Iraola dapat na i- modify ang membership ng Provincial Health Board at mapalawak pa ang membership.
Pangunahing tinalakay kahapon sa pagpupulong ang tungkol sa special health fund.
Ayon naman kay Provincial Health Officer Dr. Arnel Francisco hindi pa masabi sa ngayon kung kailan sisimulan ang paggamit ng special health fund dahil sa ilang mga usapin na kailangan pang plantsahin.

