CAMARINES NORTE- Sinimulan na ng Lokal na Pamahalaang Bayan ng Capalonga Camarines Norte ang Business One Stop Shop o (BOSS) nitong Lunes.
Kaugnay nito ay hinihikayat ng LGU ang mga mayroong negosyo na kumuha, magrenew at magrehistro na rin ng mga business permit sa mabilisang proseso.
Ayon sa Lokal na Pamahalaan ang Business One Stop Shop ay tumutukoy sa mabilisang sistema at proseso ng pag-aasikaso ng mga dokumento tungkol sa negosyo, renewal at releasing ng mga sertipiko gaya ng fire safety, sanitary at iba pa.
Ang BOSS ay isang pangunahing probisyon ng Republic Act 11032 o ang Ease of Doing Business and Efficient Government Service Delivery Act na kinakailangang mayroon ang isang pamahalaang bayan o lungsod.
Malaking tulong ang BOSS sapagkat sa ganitong paraan ay mapapabilis ang pag-aasikaso ng mga negosyante at indibidwal na kumukuha ng Business Permit o anumang kaukulang dokumento na requirement
Pinag isa na lang kasi sa Municipal Hall ang iba’t ibang kailangang asikasuhin sa negosyo para iwas sa abala.
Nakiisa sa naturang aktibidad ang iba’t- ibang ahensiya na may kinalaman sa pagpoproseso ng mga negosyo.
