SORSOGON CITY–Mas bumaba pa ang bilang ng volcanic earthquake na naitala sa Bulkang Bulusan sa nakalipas na magdamag.
Umabot lang ito sa tatlo mula sa sampong naitala kahapon.
Bahagya ring humina ang pagsingaw nito na ngayon ay nasa katamtaman na lamang at umaabot ng 150 metrong taas papunta sa timog-kanluran at kanluran-timog-kanlurang direksyon.
Nasukat ang Sulfur Dioxide (SO2) emission nito sa 1,255 tons per day base sa June 15 monitoring, mas mababa sa naiulat kahapon na 4,627 tons per day na base naman sa nasukat noong June 12.
Nananatili naman ang pamamaga sa paligid ng bulkan, indikasyon na patuloy ang abnormalidad sa ilalim nito.
Una nang inihayag sa Brigada News FM Sorsogon ni Phivolcs Director Renato Solidum na hindi nangangahulugan na tahimik na ang bulkan sa paghupa ng volcanic quakes na naitatala dito.
Ugali kasi umano ng Bulkang Bulusan na bahagyang kakalma habang nag-iipon ng pressure at bigla na lamang puputok.###
