Bomber jacket noong panahon pa ng World War II, naibalik na sa pamilya ng may-ari makalipas ang 60 taon

Naisauli na sa pamilya ng may-ari ang naiwang military-style bomber jacket noong panahon pa ng World War II matapos itong mawala 60 taon na ang nakakalipas.

Ang nasabing jacket ay naiwan umano ng may-ari sa isang bar sa Tacoma, Washington noong taong 1950.

Ayon kay Pat Nesbitt, walang bumalik sa nabanggit na bar upang angkinin ang jacket kung kaya’t kinuha na lamang ito ng kanyang tiyuhin at ibinigay sa kanya noong limang taong gulang pa lang siya, at dahil na rin umano sa hilig niya sa mga military memorabilia, sobra niya itong iningatan kahit ngayong 76 anyos na siya.

Aniya, ang tunay na nagmamay-ari ng jacket ay si Miles F. Blum, isang sundalo, base sa naka-istensil na pangalan dito.

Dahil sa pagkahumaling ni Nesbitt sa bomber jacket na ito, ikinabahala niya kung paano mapapanatili ang pagbibigay halaga rito kung sakaling siya ay papanaw na, kung kaya’t naisipan niyang hanapin ang tunay na nagmamay-ari nito.

Sa pamamagitan ng Ancestry. com, isang website, nahanap niya ang anak ng nagmamay-ari ng jacket na si Teri Sargent na taga Bella Vista, Arkansas, kung saan naisalaysay nito na 14 taong gulang siya ng pumanaw ang kanyang ama dahil sa isang car accident.

Samantala, labis naman ang pagkagalak ni Teri na napunta sa tamang tao at pangagalaga ang jacket ng kanyang yumaong ama na noong una’y inakala niyang scam.### RHODA REODIQUE, Intern