BNFM BICOL—Nanawagan sa publiko ang hepe ng San Andres PNP sa lalawigan ng Catanduanes sa posibleng kaanak ng dalawang bangkay ng lalaking natagpuang palutang-lutang sa karagatang sakop ng kanilang bayan nitong Martes.
Ayon kay PCapt. Lester Quililan – COP ng San Andres MPS, hanggang sa ngayon ay wala pa rin silang ideya sa posibleng pagkakakilanlan ng mga ito, lalo at pawang nasa ‘state of decomposition’ na ang mga biktima.
Wala rin aniyang naiulat sakanilang himpilan hinggil sa nawawalang residente ng kanilang bayan o mga karatig lugar sa Catanduanes kung kaya’t may posibilidad aniyang hindi residente ng isla ang dalawang biktima at maaaring mula sa ibang probinsya ng Bicol.
Matatandaang dapit-hapon nitong Martes nang matagpuan ang dalawang bangkay ng lalaki mula sa nasabing lugar, kung saan batay sa ulat ng mga otoridad, pawang nakagapos ang kamay ng mga ito, tinalian ng tire wire ang paa ng isang katawan at may sugat sakanilang mga binti.
Tanging ang suot lamang nitong mga damit na striped na T-shirt at kulay abong Jersey na pang-ibaba, at checkered ang natitirang pagkaka kilanlan ng mga biktima.
Para sa mga nawawalan ng kamag-anak maaari anyang makipag-ugnayan sa mga numerong 0949 137 1367.###