BMW, binili upang gawing kabaong ng namayapang lalaki sa Nigeria

NIGERIA—  Iba’t-iba ang paniniwala nating mga tao sa konsepto ng kamatayan at ikalawang buhay. Madalas itong nakadepende sa rehiyon, kultura, lipunang ginagalawan at kung minsan ay nakadepende rin sa sariling pananaw.

Sa ilang bahagi ng bansang Africa, mayroong paniniwala na ang mga taong namayapa na o lumisan na sa mundo, ay patuloy pa ring mamumuhay sa ikalawang buhay. Dahil dito, naniniwala sila na malaking bagay ang aspeto ng paglilibing sa namayapang kamag-anak sa magiging buhay nito sa “second life”.

Kaugnay nito usap-usapan ngayon sa social media platforms ang nag viral na larawan kung saan isang brand new na BMW ang inililibing sa hukay sapagkat dito inilagak ang bangkay ng isang mayamang Nigerian.

Nabili sa halagang $88,000 ang nasabing sasakyan ni Azubuike (ang anak ng pumanaw) at ayon sakanya ay naniniwala siyang mabibigyan nito ng swerte ang kanyang ama sa magiging buhay nito matapos ang kamatayan.

Bagay na ikinamangha ng marami habang ang iba naman ay nanghinayang sa bagong sasakyan.  

Matapos na mag viral online, may mga lumabas na ulat na ang mga kumalat na larawan at kwento sa likod nito ay walang katotohanan, bagkus ay isang eksena lamang sa isang pelikula.

Totoo man o hindi, may mga naiulat na noon pa man tungkol sa paggamit ng isang Hummer SUV bilang kabaong sa kaparehong bansa matapos na mamatay ang isang umano’y bilyonaryo.### JUMEL DELA ROSA