LEGAZPI CITY – Umabot na sa kabuuang bilang na 5,741 ang mga residenteng lumikas sa evacuation centers sa Albay mula sa mga lugar na pasok o malapit sa 6 kilometers permanent danger zone ng Bulkang Mayon.
Sa datos mula sa Pamahalaang Panlalawigan, ito ay binubuo ng 19,796 na katao.
Pinakamaraming naitala sa Sto. Domingo, kahit pa ito’y nasa labas na ng 6 km PDZ na mayroong 1,688 na pamilya o 5,473 na katao, habang ang pinakakaunti naman ay ang Ligao City na may 57 pamilyang inilikas o katumbas ng 218 na mga indibidwal.
Samantala, kamakailan ay ilang mga opisyal pati na ang ilang non-government organizations ang dumating sa lalawigan upang magpaabot ng tulong sa mga evacuees.
Maliban kay Sen. Bong Revilla na naglibot sa mga evacuation centers, dumating din si Sen. Robin Padilla kasama ang kapatid at asawa nito sa Anislag Elementary School upang mamigay ng mga relief goods at manguna sa mga parlor games para sa mga residente.
Bukod sa kanila, personal ding bumisita si dating bise-presidente Leni Robredo sa bayan ng Camalig, partikular sa Comun evacuation centers upang mamahagi rin ng mga food packs sa mga evacuees.//
Namahagi rin ng tig-5,000 food packs at non-food packs ang PAGCOR para sa mga apektadong residente.
Kaugnay nito, ilang NGOs din ang tumuwang at namahagi ng tulong sa mga naapektuhang residente, kabilang ang San Miguel Corporation na nagdonate ng 500 kahon ng mga delata.
Samantala, umabot na rin sa PHP48M halaga ng relief assistance ang naipamahagi na ng DSWD sa mga evacuees dahil sa pag-aalburoto ng bulkan, kung saan katuwang dito ang mg LGUs, NGOs at iba pang partners ng ahensya.