BNFM BICOL—Pumalo na sa 11 ang kabuuang bilang ng mga indibidwal sa Bicol region ang nabiktima ng paputok o Fireworks Related Injuries matapos ang selebrasyon ng Pasko at Bagong Taon.
Batay sa datus ng ahensya mula December 21, 2021 hanggang January 1, 2022, ang lalawigan ng Camarines Sur ang nakapagtala ng pinakaraming indibidwal na nabiktima ng paputok na mayroong lima; tatlo sa Albay habang tag-iisa naman ang lalawigan ng Sorsogon; Naga City at Legazpi City.
Sa naturang bilang, apat ang mga nabiktima ng ipinagbabawal na Kwitis; apat rin ang naputokan ng Five-star; isa ang biktima ng Fountain habang dalawang indibidwal ang nabiktima ng iba pang uri ng paputok.
Sa kasalukuyan, sampo sa mga biktima ang outpatient o agaran namang nakalabas ng ospital habang isa ang kasalukuyan pang nagpapagaling.
Maswerte namang walang naitalang insidente ng pagkasawi ang rehiyon dahil sa paggamit ng paputok sa pagsalubong ng Pasko at Bagong Taon, habang nagpapatuloy naman ngayon ang validations ng ahensya sa posibilidad na madagdagan pa ang Fireworks Related Injuries sa Bicol sa mga susunod na araw.###