BNFM BICOL—Umabot agad sa 12 ang bilang ng mga naitalang bagong kaso ng COVID-19 sa Bicol Region sa unang araw ng 2022.
Batay sa tala ng Department of Health Bicol, tatlo sa mga bagong kaso ng sakit ang naitala sa Camarines Sur mula sa bayan ng Cabusao, Tigaon at Naga City.
Tatlo rin ang naidagdag sa islang probinsya ng Masbate kung saan dalawa nito ang mula sa bayan ng Cawayan habang isa ang mula sa bayan ng Aroroy.
Dalawa rin ang bagong kaso ng sakit sa Sorsogon kung saan isa ang mula sa Gubat at isa rin ang mula sa bayan ng Casiguran.
Samantala ang tatlong bagong kaso naman ng sakit ay mula sa Pasay City, Quezon City at San Jose Del Monte City sa Bulacan ngunit dito naitala sa Bicol.
Bunsod nito, pumalo na sa 46,821 ang kabuuang kaso ng COVID-19 sa rehiyon kung saan 2,322 sa mga ito ang nananatiling aktibong kaso.
Samantala, mayroon namang 164 na mga bagong gumaling na pawang mula sa Camarines Sur. Bunsod nito, sumampa na sa 42,551 ang COVID-19 recoveries sa Bicol habang wala namang naidagdag sa bilang ng mga nasawi kaya’t nananatili sa 1,948 ang death toll ng sakit sa rehiyon.
Patuloy pa rin ang panawagan ng ahensya sa publiko na matamang sundin ang mga umiiral na minimum public health standards lalo na at kinumpirma ng health department kamakailan ang pagkaka detect ng Omicron variant sa rehiyon.###