Lumobo na sa halos 500 ang bilang ng mga barangay na apektado ng African swine fever (ASF).
Sa pinakahuling datos Bureau of Animal Industry (BAI) noong August 21, ang mga aktibong kaso ay naitala mula sa 458 na mga barangay sa 32 mga probinsya.
Malaki ang itinaas ng naturang bilang kumpara sa BAI data noong August 8 kung saan ang bilang ng naitalang kaso ay namataan sa 251 barangays mula sa 22 mga probinsya.
Ayon kay Agriculture Assistant Secretary for Poultry and Swine Dante Palabrica, ang tumataas na bilang na ito ay inaasahan na lalo pa’t tag-ulan.
Aniya, dahil sa ulan, kumalat ang sakit hanggang sa mga area na dati ay negative naman sa ASF.
Dagdag pa ni Palabrica, ang pagkalat ng ASF ay posibleng dahil din sa mga pasaway na traders na nagta-transport ng mga baboy na posibleng infected ng sakit.’
Binigyang-diin din nito na maaaring makatulong ang mga local government units (LGUs) sa pagkontrol sa paglilipat ng mga baboy.
Dapat aniyang mag-setup ng checkpoints ang mga lokal na pamahalaan sa kanilang lugar upang mabantayan ang pagkalat ng ASF.