Bicol region nagtala ng 67 deaths sa COVID-19 nitong weekend; active cases mas bumaba pa dahil sa mataas na recoveries

BICOL—Nagtala ang Bicol region ng 67 na mga bagong pagkasawi dahil sa COVID-19 nitong weekend kung kaya pumalo na sa kabuuang 1,715 ang death toll ng sakit sa rehiyon.

28 ang naitala nitong Sabado habang 39 naman kahapon, araw ng Linggo. Sa huling tala, 36 ang nadagdag sa Catanduanes habang tatlo naman sa Albay.

Sa kabila nito, mas bumaba pa ang bilang ng aktibong kaso na ngayon ay nasa 5,651 (12.15%) na lamang sa kabuuang 46,500 na kaso dahil sa mga bagong nadaragdag sa mga gumagaling.

Read More:  Ancestral domain application in Negros filed in 2005 wins NCIP approval

33 ang bagong recoveries noong Sabado habang 149 kahapon kung saan 138 nito ay mula sa Albay, walo sa Catanduanes at tatlo sa Sorsogon.

Samantala, 67 ang mga bagong kasong nadagdag nitong weekend kung saan 39 noong Sabado at 28 kahapon.

Sa 28 kahapon, 17 ang mula sa Camarines Sur, walo sa Naga City, tatlo sa Goa at tig-iisa ang Iriga City, Sipocot, Libmanan, Milaor, Minalabac at Pili.

Read More:  Missing 19-year-old woman found dead in Cebu

Lima ang bagong kaso sa Catanduanes kung saan dalawa ang naitala sa Pandan at tig-iisa ang Caramoran, Gigmoto at Virac.

Apat ang bagong kaso sa Masbate na pawang mula sa bayan ng San Fernando habang may tig-isang kaso naman ang Albay na mula sa bayan ng Oas at ang Camarines Norte na mula sa bayan ng Talisay. Zero new case ang lalawigan ng Sorsogon.

Kaugnay nito ay patuloy ang paalala ng DOH Bicol sa mga Bicolano na sundin ang BIDA Solusyon plus sa COVID-19 para sa Serbisyong Salud Bikolnon.### | slm