CAMARINES NORTE- Pinaalalahanan ni Diocese of Daet Bishop Rex Andrew Alarcon ang mga kabataan hinggil sa mga pinopost sa social media.
Ayon kay Alarcon, na siyang Chairman ng Catholic Bishops Conference of the Philippines, Episcopal Commission on Youth, karamihan sa mga kabataan ngayon ay mahilig mag post sa social media at nagti -tiktok.
Sana raw ay iwasan ng mga ito ang pagpo post ng kasinungalian at dapat ay nakakatulong imbes na nakasasama.
“Ang karamihan sa inyo ngayon ay marahil nagpo- post sa social media, gumagawa ng tiktok, ang hamon ko sainyo ngayon ay sana yung mga ipinopost ninyo ay nakakatulong hindi nakakasama, hindi kasinungalingan kundi nagdadala sa atin sa katotohanan,” ani Alarcon.
Ginawa ng Obispo ang pahayag nitong Linggo ng umaga sa kaniyang homily sa pagdiriwang ng World Youth Day sa isinagawang misa sa Holy Trinity Cathedral.
Aniya, si Pope Francis na mismo ang nagsabi na maraming potential at pwedeng gawin ang mga kabataan.
Ipinapaalala rin umano ng pagdiriwang ng World Youth Day ang kahalagahan at critical role ng mga kabataan hindi lang sa hinaharap kundi ngayon lalo’t sila ang majority ng populasyon.
Ang Pandaigdigang araw ng mga Kabataan ay kadalasang ginagawa tuwing Palm Sunday.
Ito ang kauna- unahang pagkakataon na ginawa ito sa kapistahan ng Christ the King na siyang huling Linggo sa karaniwang panahon sa liturgical calendar ng simbahan.
Mayroon ding lokal na selebrasyon ng World Youth Day sa Camarines Norte na ginanap sa Diocesan Shrine at Parish of St. Anthony of Padua sa bayan ng Mercedes.
Photo: Aki ni San Jose FB
