BNFM BICOL—Bahagyang bumaba ang mga naitalang kaso ng COVID-19 sa islang lalawigan ng Catanduanes nitong weekend. Batay sa inilabas na report ng DOH-Bicol, umabot lamang sa 11 ang kabuuang kaso ng sakit na naitala nitong Sabado at Linggo.
Anim na kaso ang naidagdag sa probinsya nitong araw ng Sabado kung saan tatlo sa mga ito ang mula sa bayan ng Gigmoto habang tag-iisang kaso ang mga bayan ng Bato, Pandan at Virac.
Kahapon araw ng Linggo, tanging limang bagong kaso ng sakit ang naitala sa lugar, kung saan dalawa dito ang mula sa Pandan habang tag-iisang kaso ang mula sa mga bayan ng Caramoran, Gigmoto at Virac.
Samantala, nasa 12 naman ang naiulat na mga bagong gumaling nitong weekend habang ikinagulat naman ng marami ang tila mataas na bilang ng fatalities o bilang ng nasawi sa dalawang nabanggit na mga araw.
Nitong Sabado, iniulat ng ahensya ang 27 bilang ng mga nasawi sa COVID-19 sa Catanduanes, habang 36 naman kahapon araw ng Linggo.
Wala pang pahayag ang DOH ukol dito, ngunit marahil ito umano ay ‘late reports’ na ngayon pa lamang naiulat ng ahensya.
Batay naman sa huling pagtatala ng Provincial Health Office, umabot na sa kabuuang 2,713 ang bilang ng kumpirmadong kaso ng sakit sa isla; 2,268 ang bilang ng recoveries habang nasa 114 naman ang bilang ng mga nasawi.
Kaugnay nito, inaasahan namang magpapatuloy ang isinasagawang pagbabakuna sa lalawigan matapos dumating nitong Sabado ang dagdag na 10,000 doses ng Moderna COVID-19 vaccine. Batay sa huling pagtatala ng PHO, naabot na ng Catanduanes ang 24% ng kanilang target population sa nagpapatuloy na COVID-19 vaccination.###