BGYO at BINI, pangarap na magkaroon ng kolaborasyon kasama ang Kathniel

Pangarap ng BGYO at BINI na dalawang pinaka-inaabangang P-pop groups sa panahon ngayon, na magkaroon ng kolaborasyon kasama ang reel at real life couple na sina Kathryn Bernardo at Daniel Padilla.

Sabay na sumalang sa interview ang dalawang P-pop groups sa isinagawang media conference nitong August 30, para sa kanilang upcoming sibling concert na “One Dream: The BINI x BGYO Concert” sa November 6 at 7.

Unang sinabi ni BGYO Gelo na nais nilang makasama si Kathryn sa kanilang music video sa hinaharap.

Ayon naman kay BGYO Akira, handa silang makasama ang kahit sinong personalidad dahil may tiwala naman sila sa lahat ng desisyon ng kanilang management.

Isiniwalat naman ng BGYO na surprise para sa kanila ang pag-appear ng aktres na si Liza Soberano sa music video ng kanilang latest single na “The Baddest” na ngayon ay mayroon nang mahigit 1-milyong views sa Youtube.

Sa parte naman ng BINI ay sinabi ni Gwenn na dream come true para sa kanila na magkaroon ng collab kasama ang tambalang “Kathniel”.

Kaugnay nito ay nagpasalamat naman ang nagsisilbing mentor ng dalawang grupo na si direk Laurenti Dyogi sa mga naunang P-pop groups gaya ng MNL48 at SB19.

Ayon kay Dyogi, kung hindi dahil sa mga naunang P-pop groups, ay posibleng hindi naging mas madali ang pagtanggap ng mga fans sa BGYO at BINI.

Iginiit ni Dyogi na buhay ang music industry ngayon sa Pilipinas sa kabila ng pandemya.

Nagpasalamat rin si direk Lauren sa Blooms at Aces na fandoms ng BINI at BGYO dahil sa kanilang pagsisikap para ipa-trending ang kanilang mga paboritong grupo.

Mababatid na pwedeng mapanood ang joint concert ng BINI at BGYO sa iba’t-ibang streaming platforms worldwide kabilang na sa KTX.PH, iWantTFC, at TFC IPTV.

Sa Nobyembre 6, mapapanood ang performances ng kanya-kanyang grupo, ang collaboration nila sa sari-saring fan-favorite songs, at surprise guest artists. Sa Nobyembre 7 naman, abangan ang pagsasanib-pwersa ng BINI at BGYO sa iba’t ibang exciting numbers, sub-unit performances, matitinding kantahan, at fan meet sa KTX.PH.

Magiging available simula Agosto 31 ang tickets sa “One Dream: The BINI x BGYO Concert.” Pwedeng bilhin ang SVIP tickets na nagkakahalaga ng P1,950 o US$39.99 para mapanood ang dalawang shows at makasali sa fan meet sa KTX.PH. Magiging available din ang VIP tickets sa KTX.PH, iWantTFC, at TFC IPTV sa halagang P1,490 o US$29.99 para makapanood ng parehong shows.