Kumpyansa ang Malacañang na suportado pa rin ng mga Pilipino ang kampanya ng gobyerno kontra ilegal na droga.
Inihayag ito ni Presidential Spokesperson Harry Roque bilang reaksyon sa ulat ng International Criminal Court (ICC) registry na 94% ng drug war victims ang humihiling sa tribunal na imbestigahan ang administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte para sa umano’y crimes against humanity.
Ayon kay Roque, kinokonsidera nila ang Public Redacted Registry Report on Victims’ Representation na isinumite sa ICC bilang opinyon ng mga biktima na nanghihimok sa ICC na mag-imbestiga.

Anya, hindi nila nakikita ito bilang paghina ng suporta ng publiko sa kampanya.
Iginiit ni Roque na base sa isang independent local survey ay suportado ng 88% ng mga Pilipino ang war on drugs.
Hindi binanggit ni Roque kung alin survey ang kaniyang tinutukoy ngunit ang nasabing figure ay naiulat ng Pulse Asia Survey noon pang 2017.
Mababatid na ang Public Redacted Registry Report on Victims’ Representation ay naisumite sa ICC Trial Chamber noong August 27 ng ICC Victims Participation and Reparations Section base sa manifestations ng 204 na biktima para sa 1,530 na indibidwal.