BATANGAS- Handa umanong magbigay ng tulong ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa mga fish cage operators na apektado ng nangyaring fish kill kahapon sa lawa ng Taal.
Ayon kay BFAR-4A Regional Director Sammy Malvas, may mga assistance silang ibinibigay sa mga nag-aalaga ng isda sa Taal Lake kapag nagkakaroon ng fish kill.
Mababatid na kahapon ay nasa mahigit 100 metric tons ng tilapia at bangus ang namatay sa may Talisay-Tanauan area kung saan nagkakahalaga ito nang aabot sa P8.99 million.
Kaugnay nito, nag-isyu naman kaagad ang BFAR-4A ng water quality assessment report sa mga local government units at fish cage operators sa paligid ng lawa ng Taal.
Samantala, sinabi naman ng BFAR na ligtas pa ring kainin ang mga buhay na isda sa lawa at walang dapat ipangamba.
Dagdag pa ni Malvas, patuloy ang kanilang monitoring sa water quality ng Taal Lake dahil kung bababa aniya muli ang level ng dissolved oxygen sa lawa ay posibleng magkaroon muli ng fish kill.